I found this review of an old short story I wrote in the 1990s. I don't know the true identity of the reviewer, Nanaybunso, but I thanked her for it and asked permission to reprint it in this space. Now to find a copy of my story.
ANG RETORIKA NG BABAENG MANUNULAT: ISANG PAGHUHUBAD
Bilang pagpoposisyon ng personang babae sa panitikang Filipino, napili ko ang isang maikling kuwentong nailathala sa Mirror Weekly at sa Aklat Likhaan ng mga Maiikling Kuwento 1999, isa itong halimbawa ng malinaw na paglalatag ng feministang paninindigan.
Ang kuwento na “Ang himas ni Ricardo” ni Babeth Lolarga ay isang akdang walang bahid ng pagpapanggap. Senswal ang bawat pangungusap sa unang bahagi ng kuwento. Explisitong nailarawan ang bawat eksena ng pagniniig. Bawat detalye ay maaring makapagpabuhay ng libido ng bawat mambabasa nito. Ngunit sa likod ng senswalidad ng akda, nilalayon nitong ibangon ang kamalayang feminismo.
Sa simula ng kuwento, inilahad ng pangunahing tauhan na si Lara Sumulong ang kanyang relasyon kay Ricardo. Nakilala niya si Ricardo matapos niyang iwan ang kanyang nambubugbog na asawa na si Joey. Nabigyang diin sa kuwentong ito ang usapin ng sexual politics sa pagitan ng babae at lalaki. Ang katawan ng babae ay hindi isang bagay na parausan lamang ng mga lalaki. Naipakita ang kaibahan ng paggamit sa katawan ng babae bilang parausan at ang pagkakaroon ng kapangyarihan ng babae sa lalaki gamit ang kanyang katawan. Sa kanyang dating asawa ganito ang eksena:
• “Si Joey ay magpupumilit na magseks pa rin kami. Galit siya tuwing tumatanggi ako. Naniniwala siyang obligasyon ko ang sundin ang gusto niya…”
Samantalang kabaligtaran naman ito ng kanyang karanasan kay Ricardo:
• “Damdam kong masidhing naglalaban sa kalooban niya ang pagtratong paggalang sa akin at ang umaapoy na pagnanasa. Hindi naman ako ang tipo ng babae na kinikilig kapag mamamasdan ang hirap na dinadaanan ng lalaki; ang kinakatuwaan ko ay ang aking sariling kapangyarihan sa epektong kaya kong buhayin sa kanya.”
Sa huling bahagi ng kuwento, ganito ang palitan nila ng salita ni Ricardo:
• “Tinanong ko siya minsang nagpapahinga kami kung kagalakan ko lang ba ang ibig niyang madama. Ibinalik niya ang tanong sa akin, “At bakit naman hindi? Di ba reklamo niyong kababaihan na panay ang kagustuhan naming ang nasusunod? Magandang pagmasdan ang mukha mo habang ganado tayong nagse-sex. Alam kong napapaligaya kita.”
Dito naipakita ang pagiging sensitibo ng lalaki sa pangangailangan ng babae. Hindi lamang sex ang sentral na tuon dito ng akda. Mahalagang elemento nito ang pagkakaroon ng pag-asa ni Lara matapos ang isang bigong relasyon sapagkat nagpapakita ito ng kanyang katatagan bilang babae.
Ang paggamit ng pangalang Lara Sumulong – sumulong na sa kanyang pinakapayak na depinisyon ay nagsasabi ng progreso - ay maituturing na isang mapagpalayang deklarasyon nang pagsulong/pagtaguyod ng kamalayang feminismo. Iwinawaksi ng persona ang kumbensyunal na pagtingin sa pagpapamilya. Ipinagpapasalamat ni Lara na wala silang nabuong anak ni Joey, dahil kung mayroon, maaring nanatili siya sa kanilang relasyon sa isang maling konsepto na kailangan kalakihan ng bata ang isang buong pamilya. Ang pagkatao ni Lara ay matatag at hindi basta-basta nalulusaw ang paninindigan. (“Kailangan sumulong ka babae, ang palaging paalala ko sa aking sarili.”)
Sa malalimang pagsipat ng kuwento, si Lara ay isang representasyon ng makabagong babaeng naigpawan ang agresyon/pandarahas ng kanyang asawa. Pinutol ni Lara ang patriyarkal na relasyong namagitan sa kanila ng kanyang dating asawa nang iniwan niya ito isang gabing himbing ito sa ispirito ng serbesa. (“Isang gabi nang nakatulog na naman si Joey sa harap ng telebisyon at nakakunsumo ng katumbas ng isang galong serbesa, pumuslit ako, dala-dala ko ang ilang mga damit na pampalit.”)
Ito’y isang matapang na hakbang at malinaw na manipestasyon ng paglaban ni Lara sa karahasan sa kababaihan.
Naipakita sa kuwento ang pagwaksi sa istiryutipo ng babae bilang sunud-sunuran sa lahat ng gustuhin ng lalaki, na ang babae’y hindi mananatiling anino lamang ng lalaki. May implikasyong moral ang “Ang himas ni Ricardo” ngunit hindi didaktiko ang tono nito. Sa aking palagay, nakatulong ang ganitong istilo upang lalong maging epektibo ang pagkukuwento.
Sa huli, masasabi natin na kasabay ng paglaya ng kamalayan ni Lara ay ang paglaya ng babaeng manunulat na si Babeth Lolarga sa kanyang retorikal na paglalahad ng isang senswal na sitwasyon na may sensibilidad. Isa itong patunay na nailuwal ng panitikan noong dekada ’90 ang isang akdang may kabuluhan at feministang paninidigan.
IPINASKIL NI NANAYBUNSO SA 1:14 AM
MGA ETIKETA: FEMINISMO, PANITIKAN
0 (MGA) PUNA:
No comments:
Post a Comment